Martes, Marso 20, 2012

Panaginip

Sa panaginip ko, mag-siyota kami ni Kim Chiu.

Sa panaginip ko, madalas kaming kumain sa labas at manuod ng sine. Kung minsan, 'pag maganda ang panahon, tumatambay kami sa park at nagkukuwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay sa buhay. Sinasabi niya sa akin ang lahat ng kanyang problema, ang kanyang mga hinaing at agam-agam, at ako naman ay buong-pusong nakikinig at nagpapayo.

Sa panaginip ko, tumatawa siya sa jokes ko, at ang kanyang tawa ay musika sa aking pandinig.

Kapag maulan, tumatambay na lang kami sa bahay at nanunuod ng DVD habang humihigop ng mainit na kape. Magkatabi sa sofa, nakapambahay lang, 'di pa naliligo, pero okay lang basta magkasama kami.

Nauubos ang load namin sa kaka-text sa isa't isa 'pag 'di kami magkasama. Nagpapalitan kami ng cards tuwing Valentines. Nakikinig ng musika ng Sugarfree.

Nag-aaway din kami, pero 'di tumatagal ng 24 oras ay nagbabati rin kami. Kasi hindi namin kayang matulog sa gabi nang hindi nag-uusap.

Sa panaginip ko, hindi niya ako hinahayaang malungkot at apihin ng mundo. Nandiyan siya palagi sa tabi ko tuwing kailangan ko. Sa piling niya, hindi ako nahihiyang umiyak.

Sa panaginip ko, lookalike ako ni Gerald Anderson.

Lunes, Marso 12, 2012

Pa-burger ka naman

Midnight snack. Buy one take one na cheeseburger plus malamig na red tea. Php45 lang sa Minute Burger. Sulit na. May libre pang soundtrip na "Careless Whisper" ni George Michael.

Dalawa lang kaming kostumer ngayon dito. 'Yung isa, mukang katsokaran nung service crew. Kanina pa kasi sila nag-uusap. Ang topic nila: mga snatcher. May kostumer daw kasing naagawan ng cellphone dito kagabi habang lumalantak ng burger.

Tsk, tsk. Kung mamalasin ka nga naman: nakatipid ka nga sa meryenda, nawalan ka naman ng cellphone. Sabi nung mama, wala na raw nagawa 'yung kawawang biktima kundi kamutin ang ulo niya. Hindi ko alam kung nagawa pa niyang ubusin ang kanyang burger. Malamang hindi na.

Lunes, Marso 5, 2012

Fetish

"Legs, legs, legs mo ay nakakasilaw..."
Tila lume-level up ang kamanyakan ko. Kanina, sa FX, hindi ko natiis na hindi pitikan ang katabi ko gamit ang aking super kick-ass Nokia phone. Natuwa kasi ako sa, um, suot niyang short shorts. Kahit sobra ang init at pupugak-pugak ang aircon ng FX, kahit baduy ang tugtog sa radyo at sobra ang dakdak ng dalawang ale sa likod ko, naging pleasant ang biyahe ko. Nas'an ang heavy traffic kapag kailangan mo siya?

Ewan ko ba, pero trip ko talaga sa chikas ang may magandang legs. Kanya-kanyang trip 'yan. 'Yung iba, trip ang malalaking boobs. 'Yung iba, puwet ang tinitignan sa babae. 'Yung iba, lips. 'Yung iba, balakang. 'Yung iba, ngipin. May kilala pa nga akong weirdo na kuko sa paa ang tinitignan. Pero ako, legs. Trip ko 'yung pang-model na legs -- mahaba, slender at alaga sa Hirudoid. Samahan mo pa ng high heels. Yum!

Huwebes, Marso 1, 2012

Unang hirit

Eto na naman ako, nagsisimula nang panibagong blog nang walang kasiguraduhan kung kaya kong regular na i-update o hindi. Malamang hindi, pero sa gabing ito ako ay isang optimist.

Bakit hindi? Tahimik ang gabi, nakaka-in love ang tugtog sa radyo ("Miss You In A Heartbeat" ng Def Leppard), at simula ng aking weekend.

Ah yes weekend. Pahinga sa trabaho, sa biyahe at hindi magagandang balita. Pahinga sa pakikipagplastikan at pulitika ng opisina. Pahinga sa mundo. Dalawang araw kung kailan puwede kong isigaw na "Tangina niyong lahat" sa, well, sa lahat! (Sa Linggo, simula ng aking workweek, pagkakataon naman ng lahat na sumigaw ng "Tangina mo rin! Gago!")

Ang blog na ito ay Rated PG. Patnubay ng magulang ang kinakailangan
Hindi ko alam kung anu-anong mga paksa ang isusulat ko sa blog na ito. Malamang puro kabulastugan tulad ng sex, sex at sex. Pent-up angst. Depression, hallucination, sapatos ni Sion, at kung anu-ano pang shit ni Sion. Sa madaling salita, ito'y isang blog na hindi ko maipagmamalaki kapag sa isang job interview tinanong ako kung mayroon akong blog. Unless gusto kong matapos agad ang job interview.

Pero seryoso, gusto ko lang ng outlet. Masyado kasing marumi ang isip ko para sa isang "normal" na blog. At least dito may freedom akong isulat ang gusto kong isulat, nakadidiri man ito o nakaka-L o nakakainis. Kung aksidenteng mapapadaan ka rito, Dear Reader, at nagustuhan mo ang iyong nabasa, salamat. Kung hindi naman, maghanap ka na lang ng ibang blog na babasahin at ituring na lang ito na isang masamang panaginip.

Hanggang sa muli. Sana hindi ito ang una't huli kong entry dito.