Martes, Marso 20, 2012

Panaginip

Sa panaginip ko, mag-siyota kami ni Kim Chiu.

Sa panaginip ko, madalas kaming kumain sa labas at manuod ng sine. Kung minsan, 'pag maganda ang panahon, tumatambay kami sa park at nagkukuwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay sa buhay. Sinasabi niya sa akin ang lahat ng kanyang problema, ang kanyang mga hinaing at agam-agam, at ako naman ay buong-pusong nakikinig at nagpapayo.

Sa panaginip ko, tumatawa siya sa jokes ko, at ang kanyang tawa ay musika sa aking pandinig.

Kapag maulan, tumatambay na lang kami sa bahay at nanunuod ng DVD habang humihigop ng mainit na kape. Magkatabi sa sofa, nakapambahay lang, 'di pa naliligo, pero okay lang basta magkasama kami.

Nauubos ang load namin sa kaka-text sa isa't isa 'pag 'di kami magkasama. Nagpapalitan kami ng cards tuwing Valentines. Nakikinig ng musika ng Sugarfree.

Nag-aaway din kami, pero 'di tumatagal ng 24 oras ay nagbabati rin kami. Kasi hindi namin kayang matulog sa gabi nang hindi nag-uusap.

Sa panaginip ko, hindi niya ako hinahayaang malungkot at apihin ng mundo. Nandiyan siya palagi sa tabi ko tuwing kailangan ko. Sa piling niya, hindi ako nahihiyang umiyak.

Sa panaginip ko, lookalike ako ni Gerald Anderson.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento